Ano ang Copyright?

Anong mga uri ng akda ang napapailalim sa copyright?

Ang pagmamay-ari ng copyright ay nagbibigay sa may-ari ng eksklusibong karapatang gamitin ang gawa, na may ilang pagbubukod. Kapag gumawa ang isang tao ng orihinal na gawa, na nakapirmi sa nahahawakang medium, awtomatikong pagmamay-ari niya ang copyright sa gawa.

Maraming uri ng gawa ang kwalipikado para sa proteksyon ng copyright, halimbawa:

  • Mga audiovisual na gawa, gaya ng mga palabas sa TV, pelikula, at online na video
  • Mga recording ng tunog at komposisyon ng musika
  • Mga nakasulat na gawa, gaya ng mga aralin, artikulo, aklat, at komposisyon ng musika
  • Mga biswal na gawa, gaya ng mga larawang ipininta, poster, at advertisement
  • Mga video game at computer software
  • Mga gawang nauugnay sa drama, gaya ng mga dula at musical

May impormasyon ang Copyright Office online, at puwede kang sumangguni sa abugado kung gusto mong matuto pa.

Puwede ba akong gumamit ng content mula sa gawang pinoprotektahan ng copyright?

May karapatan ang mga may-ari ng copyright na kontrolin ang karamihan sa kanilang mga gawa. Sa ilang sitwasyon, posibleng gumamit ng gawang pinoprotektahan ng copyright nang hindi nalalabag ang copyright nila:

  • Nagtanong ka na sa may-ari ng copyright, at pinayagan ka niyang gamitin ang content. Mainam na humingi ng nakasulat na pahintulot sa kanya, halimbawa, sa anyo ng kasunduan sa lisensya.
  • Ginagawang available ng ilang may-ari ng copyright ang mga gawa nila para magamit ng iba nang hindi pinagkakakitaan, nang may ilang kinakailangan. Para matuto pa, puwede kang magbasa tungkol sa Mga Creative Commons license.
  • Sa ilang sitwasyon, puwede kang gumamit ng content mula sa gawang pinoprotektahan ng copyright nang hindi humihingi ng pahintulot sa may-ari ng copyright. Iyon ay dahil itinuturing ang ilang paggamit ng mga naka-copyright na gawa bilang "patas na paggamit" o nasasailalim ang mga ito sa limitasyon o pagbubukod sa batas sa copyright, gaya ng patas na transaksyon. Kung hindi ka sigurado kung legal nang walang pahintulot ang pinag-iisipan mong paggamit, mainam na kumonsulta ka sa abugado.

Paano kung isaad kong "walang nilalayong paglabag sa copyright"?

Kung wala kang pahintulot na gumamit ng naka-copyright na gawa, puwede pa ring alisin ang iyong content kahit na:

  • Binigyan mo ng credit ang may-ari ng copyright.

Kapag nagbibigay ng pahintulot na gamitin ang gawa nila, hinihiling ng ilang may-ari ng copyright na gawin mo ito. Sa ilang sitwasyon, posibleng kailangan mo ring magbigay ng credit sa may-ari ng copyright kung plano mong gamitin ang gawa niya sa paraang itinuturing na patas na paggamit o patas na transaksyon. Gayunpaman, hindi ka nito awtomatikong binibigyan ng karapatang gamitin ang content nang walang pahintulot.

  • Binili mo ang content, kabilang ang pisikal o digital na kopya.

Kung may pag-aari kang kopya, ibig sabihin, posibleng maibenta mo o maibigay mo sa kaibigan ang kopyang iyon, pero wala kang karapatang ibahagi sa publiko ang content na iyon sa buong internet.

  • Hindi mo pinagkakakitaan ang content.

Bagama't mas malamang na ituring na patas na paggamit ang di-komersyal na paggamit, o posibleng matugunan nito ang mga kinakailangan ng ilang lisensya, hindi nangangahulugang hindi lumalabag ang iyong paggamit dahil lang hindi mo ito pinagkakakitaan.

  • May nakita ka nang katulad na content sa ibang lugar sa internet.

Posibleng nakakuha ng pahintulot ang ibang user na iyon para ibahagi ang content, o posibleng ginagamit nila ang content sa paraang maituturing na patas na paggamit.

  • Ikaw mismo ang nag-record ng content mula sa TV, sinehan, o radyo.

Hindi mapupunta sa iyo ang mga karapatan sa pinag-uusapang content dahil lang gumawa ka ng sarili mong kopya mula sa isa sa mga source na ito.

  • Ikaw mismo ang kumopya ng content mula sa textbook, poster ng pelikula, o larawan.

Gaya ng nakasaad sa itaas, hindi mapupunta sa iyo ang mga karapatan sa pinag-uusapang content dahil lang gumawa ka ng sarili mong kopya.

  • Isinaad mong "walang nilalayong paglabag ng copyright."

Hindi ito nakakatulong. Paglabag na may "mahigpit na sagutin" ang paglabag sa copyright. Ibig sabihin, kapag nagpasya ang hukuman kung nagkaroon ng paglabag sa copyright, hindi nila tinitingnan kung sinadya mong lumabag o hindi.

Matutukoy ba ng Google ang pagmamay-ari ng copyright?

Hindi. Hindi magagawa ng Google na mamagitan sa mga di-pagkakasundo sa pagmamay-ari ng content. Kapag nakatanggap kami ng kumpleto at valid na abiso sa pagtanggal, aalisin namin ang content tulad ng iniaatas ng batas. Kapag nakatanggap kami ng valid na counter notification, ipapasa namin ito sa taong humiling ng pag-aalis. Kung mayroon pa ring di-pagkakasundo, ang mga nasasangkot na partido na ang bahalang maglutas ng isyu sa hukuman.

Ano ang pagkakaiba ng copyright at trademark? Paano naman ang mga patent?

Ang copyright ay isang uri lang ng intellectual property. Hindi ito pareho sa trademark, na pumoprotekta sa mga brand name, logo, at iba pang pantukoy ng pinagmulan para hindi magamit ng ibang tao para sa mga partikular na layunin ang mga ito. Naiiba rin ito sa batas sa patent, na pumoprotekta sa mga imbensyon.

Ano ang pagkakaiba ng copyright at privacy?

Dahil lang lumabas ka sa isang video, larawan, o audio, hindi ibig sabihing pagmamay-ari mo ang copyright nito. Halimbawa, kung kinunan ka ng larawan ng iyong kaibigan, pagmamay-ari niya ang copyright sa larawang kinunan niya. Kung nag-upload ang iyong kaibigan, o iba pang tao, ng video, larawan, o recording mo nang wala ang iyong pahintulot, at sa tingin mo ay nilalabag nito ang iyong privacy o kaligtasan, puwede kang maghain ng reklamo sa privacy.

Mga kinakailangan sa abiso sa paglabag sa copyright

Pinakamadaling paraan ng paghahain ng reklamo ang paggamit sa aming legal na troubleshooter.

Dapat ay kasama sa mga abiso tungkol sa copyright ang mga sumusunod na elemento. Kapag wala ang impormasyong ito, hindi namin maaaksyunan ang iyong kahilingan:

1. Iyong impormasyon sa pakikipag-ugnayan

Kakailanganin mong magbigay ng impormasyong magbibigay-daan sa aming makipag-ugnayan sa iyo kaugnay ng iyong reklamo, gaya ng email address, aktwal na address, o numero ng telepono.

2. Paglalarawan ng iyong gawang pinapaniwalaan mong nalabag

Sa iyong reklamo, tiyaking malinaw at kumpleto ang paglalarawan ng naka-copyright na content na gusto mong protektahan. Kung maraming naka-copyright na gawa ang saklaw ng iyong reklamo, pinapahintulutan ng batas ang kumakatawang listahan ng mga naturang gawa.

3. Ang bawat sinasabing lumalabag na URL

Nasa reklamo mo dapat ang partikular na URL ng content na pinapaniwalaan mong lumalabag sa iyong mga karapatan, kung hindi, hindi namin ito mahahanap. Hindi sapat ang pangkalahatang impormasyon tungkol sa lokasyon ng content. Pakisama ang (mga) URL ng eksaktong content na pinag-uusapan.

4. Dapat mong sang-ayunan at patunayan ang dalawang sumusunod na mensahe:

  • "Naniniwala ako nang may magandang loob na ang paggamit ng mga naka-copyright na materyal na inilalarawan bilang di-umano'y lumalabag sa itaas ay hindi pinahintulutan ng may-ari ng copyright, ng ahente nito, o ng batas."
  • "Tumpak ang impormasyon sa abisong ito at isinusumpa ko, sa ilalim ng penalty ng perjury, na ako ang may-ari ng copyright o awtorisado akong kumilos sa ngalan ng may-ari ng eksklusibong karapatang sinasabing nilalabag."

5. Iyong lagda

Kinakailangan ng mga kumpletong reklamo ang pisikal o electronic na lagda ng may-ari ng copyright o isang kinatawang awtorisadong kumilos sa ngalan niya. Para matugunan ang kinakailangang ito, puwede mong i-type ang iyong buong legal na pangalan para magsilbing lagda mo sa ibaba ng iyong reklamo.

Pangunahing menu
12463716370524138972
true
Maghanap sa Help Center
true
true
true
false
false