Protektahan ang iyong sarili laban sa malware

Gusto naming maniwala na ang Internet ay isang ligtas at tapat na lugar para sa lahat, ngunit hindi maitatanggi na nagkalat ang mga online na kriminal at hacker na sumusubok na manggulo. Isang paraan nila ng paggawa ng problema ang pagkakalat ng malware. Mapoprotektahan mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng pag-alam kung ano ang malware, paano ito kumakalat at kung paano ito maiiwasan.

Ano ang malware?

Ang "malware" ay anumang uri ng software na idinisenyo upang manira ng computer. Ang malware ay maaaring magnakaw ng sensitibong impormasyon mula sa iyong computer, unti-unting magpabagal sa iyong computer o magpadala ng mga pekeng email mula sa iyong email account nang hindi mo nalalaman. Narito ang ilang karaniwang uri ng malware na maaaring pamilyar na sa iyo:

  • Virus: Isang mapanganib na program sa computer na may kakayahang kopyahin ang sarili nito at pumasok sa isang computer.
  • Worm: Isang mapanirang program sa computer na nagpapadala ng mga kopya ng sarili nito sa ibang mga computer sa pamamagitan ng isang network.
  • Spyware: Isang malware na kumukuha ng impormasyon mula sa mga tao nang hindi nila nalalaman.
  • Adware: Isang software na awtomatikong nagpe-play, nagpapakita o nagda-download ng mga advertisement sa isang computer.
  • Trojan horse: Isang nakakasirang program na nagkukunwaring isang kapaki-pakinabang na application, ngunit nakakapinsala sa iyong computer o nagnanakaw ng iyong impormasyon pagkatapos nitong ma-install.

Paano kumakalat ang malware

Makakapasok ang malware sa iyong computer sa ilang iba't ibang paraan. Narito ang ilang karaniwang halimbawa:

  • Pagda-download ng libreng software mula sa Internet na lihim na naglalaman ng malware
  • Pagda-download ng lehitimong software na lihim na may kasamang malware
  • Pagbisita sa isang website na may malware
  • Pagki-click sa isang pekeng mensahe ng error o pop-up na window na nagsisimula ng pag-download ng malware
  • Pagbubukas ng isang attachment sa email na naglalaman ng malware

Maaaring kumalat ang malware sa maraming iba't ibang paraan, ngunit hindi iyon nangangahulugan na wala kang magagawa upang mapigilan ito. Ngayong alam mo na kung ano ang malware at ano ang magagawa nito, suriin natin ang ilang praktikal na hakbang na maaari mong gawin upang maprotektahan ang iyong sarili.

Paano maiiwasan ang malware

  1. Panatilihing napapanahon ang iyong computer at software

    Ang Microsoft at Apple ay madalas na naglalabas ng mga update para sa mga operating system ng mga ito, at magandang ideya na i-install ang mga update na ito kapag naging available na ang mga ito para sa iyong Windows at Mac na mga computer. Ang mga update na ito ay kadalasang may mga kasamang pag-aayos na maaaring magpaigting sa seguridad ng iyong system. Nag-aalok din ng mga awtomatikong pag-update ang ilang operating system, upang awtomatiko kang makatanggap ng mga update sa oras na maging available ang mga ito.

    Ang mga user ng Windows ay maaaring mag-install ng mga update gamit ang isang feature na tinatawag na "Windows Update" at ang mga user naman ng Mac ay maaaring mag-install ng mga update gamit ang isang feature na tinatawag na "Software Update." Kung hindi ka pamilyar sa mga feature na ito, hinihikayat ka naming maghanap ng higit pang impormasyon sa mga website ng Microsoft at Apple tungkol sa kung paano mag-install ng mga update ng system sa iyong computer.

    Bukod pa sa operating system ng iyong computer, ang software ng iyong computer ay dapat ding panatilihing napapanahon sa mga pinakabagong bersyon. Ang mga mas bagong bersyon ay kadalasang naglalaman ng mas maraming pag-aayos sa seguridad upang maiwasan ang mga pag-atake ng malware.

  2. Gumamit ng account na hindi pang-administrator sa tuwing posible

    Hinahayaan ka ng karamihan ng mga operating system na gumawa ng maraming user account sa iyong computer, nang sa gayon ay maaaring magkaroon ng iba't ibang setting ang iba't ibang user. Maaari ding i-set up ang mga user account na ito upang magkaroon ng iba't ibang setting ng seguridad.

    Halimbawa, ang isang "admin" (o "administrator") account ay karaniwang may kakayahang mag-install ng bagong software, habang ang mga "limitado" o "karaniwang" account naman ay karaniwang walang kakayahang gawin iyon. Kapag nagba-browse sa web sa araw-araw, malamang na hindi mo kailangang mag-install ng bagong software, kaya iminumungkahi naming gumamit ka ng "limitado" o "karaniwang" user account sa tuwing posible. Makakatulong ang paggawa nito na mapigilan ang malware na ma-install sa iyong computer at gumawa ng mga pagbabago sa buong system.

  3. Magdalawang-isip bago mag-click ng mga link o mag-download ng kahit ano

    Sa totoong mundo, malamang na maghinala nang kaunti ang karamihan ng mga tao tungkol sa pagpasok sa isang kaduda-dudang gusali na may karatulang nagsasabing "Mga libreng computer!" sa mga patay-sinding ilaw. Sa web, ganoon din dapat ang iyong pag-iingat kapag pumapasok ka sa mga hindi pamilyar na website na nagsasabing nag-aalok ang mga ito ng mga libreng bagay.

    Alam namin na maaaring nakakatuksong i-download ang libreng program sa pag-e-edit ng video o ang role-playing game na iyon, ngunit pinagkakatiwalaan mo ba talaga ang website na nag-aalok nito? Kung minsan, nakakatulong kung aalis sa website na iyon at maghahanap ng mga review o impormasyon tungkol sa website o program na iyon bago mag-download o mag-install ng kahit ano. Ang mga pag-download ay isa sa mga pangunahing paraan kung paano nakakakuha ng malware ang mga tao, kaya tandaang mag-isip nang mabuti tungkol sa kung ano ang dina-download mo at mula saan mo ito dina-download.

  4. Mag-ingat sa pagbubukas ng mga attachment o larawan sa email

    Kung may sino lang na tao na nagpadala sa iyo ng isang kahon ng tsokolate sa mail, bubuksan mo ba ito at agad-agad na kakainin nang walang anumang pag-aalinlangan? Malamang na hindi. Gayundin, dapat kang mag-ingat kung may sino lang na tao na nagpadala sa iyo ng isang kahina-hinalang email na naglalaman ng mga attachment o larawan. Kung minsan, maaaring spam lang ang mga email na iyon, ngunit sa ibang mga pagkakataon, maaaring lihim na naglalaman ng mapanirang malware ang mga email na iyon. Kung gumagamit ka ng Gmail, iulat ang mga email na iyon bilang spam upang mas mahusay naming maalis ang ganitong mga email sa hinaharap.

  5. Huwag magtiwala sa mga pop-up na window na humihiling sa iyong mag-download ng software

    Kapag nagse-surf sa web, maaaring may mapuntahan kang mga site na nagpapakita ng mga pop-up na window, na nagpapapaniwala sa iyo na nagkaroon ng malware ang iyong computer at humihiling sa iyong mag-download ng partikular na software upang maprotektahan ka. Huwag mahulog sa patibong na ito. Isara lang ang pop-up na window at siguraduhin na hindi ka magki-click sa loob ng pop-up na window.

  6. Limitahan ang pagbabahagi mo ng file

    Hinahayaan ka ng ilang site at application na magbahagi ng mga file sa iba pang mga user sa madaling paraan. Marami sa mga site at application na ito ay nag-aalok ng kaunting proteksyon laban sa malware. Kung makikipagpalitan o magda-download ka ng mga file gamit ang mga paraang ito ng pagbabahagi ng file, mag-ingat sa malware. Kadalasan, maaaring nagpapanggap na sikat na pelikula, album, laro o program ang malware.

  7. Gumamit ng antivirus software

    Kung may kailangan kang i-download, dapat kang gumamit ng antivirus program upang i-scan kung may malware ba ang download na iyon bago ito buksan. Hinahayaan ka rin ng antivirus software na i-scan kung may malware ang iyong buong computer. Magandang ideya na regular na i-scan ang iyong computer upang mahuli agad ang malware at mapigilan itong kumalat. Hindi gumagawa ng anumang antivirus software ang Google, ngunit ang sumusunod na artikulo ay naglalaman ng listahan ng antivirus software na maaari mong isaalang-alang: Pag-aalis ng malware sa iyong computer.

Mga susunod na hakbang

Nakatulong ba ito?

Paano namin mapapaganda ito?

Kailangan ng higit pang tulong?

Subukan ang mga susunod na hakbang na ito:

Search
I-clear ang paghahanap
Isara ang paghahanap
Pangunahing menu
7071602222882996468
true
Maghanap sa Help Center
true
true
true
true
true
73067
false
false
false