Mga patakaran sa panliligalig at cyberbullying

Pangunahin naming priyoridad ang kaligtasan ng aming mga creator, manonood, at partner. Inaasahan naming tutulungan kami ng bawat isa sa inyo na panatilihin at protektahan ang natatangi at masiglang komunidad na ito. Mahalagang maunawaan mo ang aming Mga Alituntunin ng Komunidad, at ang tungkuling ginagampanan ng mga ito sa ating pinaghahatiang responsibilidad na panatilihing ligtas ang YouTube. Maglaan ng oras para mabasa nang mabuti ang patakaran sa ibaba. Puwede mo ring tingnan ang page na ito para sa kumpletong listahan ng aming mga alituntunin.

Hindi namin pinapayagan ang content na tina-target ang isang tao gamit ang mahahaba o tuloy-tuloy na pang-iinsulto o panunuya batay sa kanyang mga pisikal na katangian o status bilang protektadong grupo, tulad ng edad, kapansanan, etnisidad, kasarian, sekswal na oryentasyon, o lahi. Hindi rin namin pinapayagan ang iba pang mapaminsalang gawi, tulad ng mga pagbabanta o doxxing. Tandaang mas mahigpit kami sa content na nagta-target ng mga menor de edad.

Kung makakakita ka ng content na lumalabag sa patakarang ito, iulat ito. Available dito ang mga tagubilin para sa pag-uulat ng mga paglabag sa aming Mga Alituntunin ng Komunidad. Kung may makikita kang maraming video o komentong gusto mong iulat, puwede mong iulat ang channel. Para sa mga tip kung paano manatiling ligtas, mapanatiling secure ang iyong account, at maprotektahan ang privacy mo, tingnan ang Safety Center para sa Creator at Manatiling ligtas sa YouTube.

Kung may mga partikular na pagbabantang ginawa laban sa iyo at nararamdaman mong hindi ka ligtas, iulat ito nang direkta sa iyong lokal na ahensyang nagpapatupad ng batas.

Ang epekto ng patakarang ito sa iyo

Kung nagpo-post ka ng content

Huwag mag-post ng content sa YouTube kung tumutugma ito sa alinman sa mga paglalarawang nakasaad sa ibaba.

  • Content na naglalaman ng mahahaba o tuloy-tuloy na pang-iinsulto o panunuya batay sa mga likas na katangian ng isang tao. Kasama sa mga katangiang ito ang kanilang status bilang protektadong grupo, mga pisikal na katangian, o kanilang status bilang survivor ng sekswal na pag-atake, pamamahagi ng koleksyon ng di-konsensuwal at intimate na imahe, pang-aabuso sa tahanan, pang-aabuso sa bata, at higit pa.
  • Content na na-upload na naglalayong mamahiya, manlinlang, o mang-insulto ng menor de edad. Ang ibig sabihin nito ay paglalayong makadama ang isang menor de edad ng hindi magagandang emosyon, tulad ng pagkabalisa, hiya, o kawalang-silbi; paglalayong linlangin siyang kumilos sa mga paraang posibleng makapinsala sa kanya o sa pag-aari niya; o pakikibahagi sa pagtawag ng ibang pangalan sa kanya. Ang isang menor de edad ay isang taong wala pang 18 taong gulang.
Iba pang uri ng content na lumalabag sa patakarang ito
  • Content na nagshe-share, nagbabantang mag-share, o naghihikayat sa iba na mag-share ng hindi pampublikong impormasyong nagbibigay ng personal na pagkakakilanlan (personally identifiable information o PII). 
    • Kabilang sa PII ang, pero hindi limitado sa, mga address ng tahanan; email address; kredensyal sa pag-sign in, tulad ng username o password; numero ng telepono; numero ng passport; medical record; o impormasyon ng bank account.
    • Hindi kabilang dito ang pag-post ng malawakang available na pampublikong impormasyon, tulad ng numero ng telepono ng tanggapan ng isang opisyal o ang numero ng telepono ng isang negosyo. 
    • Nalalapat ang patakarang ito sa pag-share ng sarili mong PII, pag-share ng PII ng ibang tao, at mga sitwasyon kung saan magshe-share ka ng PII nang hindi sinasadya.
    • Dapat malinaw na isaad ng content kapag nagshe-share ng pekeng PII. Halimbawa, paggamit ng mga pekeng kredensyal sa pag-log in bilang bahagi ng pagsasanay.
  • Content na nanghihikayat ng mapang-abusong gawi, tulad ng brigading. Ang brigading ay kapag hinihikayat ng isang tao ang planadong pang-aabuso sa isang nakikilalang indibidwal sa loob o labas ng YouTube.
  • Content na nagsusulong ng mga mapaminsalang conspiracy theory o nagta-target sa isang tao sa pamamagitan ng pagsasabing bahagi siya ng isang mapaminsalang conspiracy theory. Ang isang mapaminsalang conspiracy theory ay conspiracy theory na naiugnay sa mga direktang pagbabanta o mararahas na gawain.
  • Content na nagbabanta sa isang nakikilalang indibidwal o sa kanyang pag-aari. Kasama rito ang mga ipinapahiwatig na bantang walang tinutukoy na oras o lugar pero posibleng nagtatampok ng sandata, bilang halimbawa.
  • Content na nagpapakita ng pinlanong pagkikita-kitang ginagamit para akusahan ang isang nakikilalang indibidwal ng masamang maling asal sa isang menor de edad, nang walang kasamang tagapagpatupad ng batas.
  • Content na nagsasaya sa o nanunuya ng pagkamatay o malubhang pinsala ng isang nakikilalang indibidwal.
  • Content na makatotohanang nagsi-simulate sa mga patay nang menor de edad, o biktima ng nakakamatay o napakarahas na pangyayaring naidokumento nang detalyado, na naglalarawan sa kanilang pagkamatay o naranasang karahasan.
  • Content na nagpapakita ng mga creator na nagsi-simulate ng mga malalang karahasan laban sa iba. Halimbawa, mga pagpatay, torture, mga pagputol ng bahagi ng katawan, mga pambubugbog, at higit pa.
  • Content na naglalaman ng panay na palihim na pagsubaybay sa isang nakikilalang indibidwal.
  • Content na tumatanggi sa pagkakaroon ng o nagmamaliit sa papel ng isang tao bilang biktima ng isang malaki at marahas na pangyayari na naidokumento nang detalyado.
  • Content na naglalaman ng hindi gustong sekswalisasyon ng isang nakikilalang indibidwal. Kabilang dito ang:
    • Content na naglalarawan sa isang tao sa isang malaswa, namamahiya, at tahasang sekswal na paraan
    • Content na nagshe-share, nagre-request, o nagpapakita kung paano mamahagi ng koleksyon ng di-konsensuwal at intimate na imahe.
    • Content na nagpapantasya tungkol sa, pagbabanta ng, o sumusuporta sa sekswal na pag-atake

Nalalapat ang patakarang ito sa mga video, paglalarawan ng video, komento, live stream, at anupamang produkto o feature ng YouTube. Tandaang hindi ito kumpletong listahan. Tandaang nalalapat din ang mga patakarang ito sa mga external na link sa iyong content. Puwedeng kasama rito ang mga naki-click na URL, pasalitang pagdirekta ng mga user sa iba pang site sa video, at iba pang anyo.

Mga Exception

Kung ang pangunahing layunin ay pang-edukasyon, pandokumentaryo, pang-agham, o pansining, puwede naming payagan ang content na may panliligalig. Hindi pahintulot ang mga exception na ito para manligalig ng tao. Kasama sa ilang halimbawa ang mga sumusunod:

  • Mga debateng may kaugnayan sa mga sikat na opisyal o pinuno: Content na nagtatampok ng mga debate o talakayan ng mga kasalukuyang isyung may kaugnayan sa mga indibidwal na may mga kapangyarihan, tulad ng mga sikat na opisyal ng pamahalaan o CEO ng malalaking multinational na korporasyon.
  • Mga scripted na performance: Mga insultong ginawa ayon sa konteksto ng makasining na medium gaya ng scripted na pangungutya, stand up comedy, o musika (gaya ng isang diss track). Tandaan: Hindi pahintulot ang exception na ito para manligalig ng tao at sabihing “Nagbibiro lang ako.”
  • Pagtuturo o kaalaman tungkol sa panliligalig: Content na nagtatampok ng aktwal o simulated na panliligalig para sa mga pandokumentaryong layunin o sa mga handang makilahok (tulad ng mga aktor) para labanan ang cyberbullying o para ipaalam ang tungkol dito.

Tandaan: Mas naghihigpit kami sa content na mapaminsalang nang-iinsulto ng isang tao batay sa kanyang status bilang protektadong grupo, sikat na indibidwal man siya o hindi.

Pag-monetize at iba pang multa

Sa ilang bihirang sitwasyon, posible kaming mag-alis ng content o magbigay ng iba pang multa kapag ang isang creator ay:

  • Paulit-ulit na nanghihikayat ng mapang-abusong gawi ng audience.
  • Paulit-ulit na nagta-target, nang-iinsulto, at nang-aabuso ng nakikilalang indibidwal batay sa kanyang mga likas na katangian sa ilang pag-upload.
  • Naglalantad ng indibidwal sa mga panganib ng pisikal na pinsala batay sa lokal na social o pampulitikang konteksto.
  • Gumagawa ng content na naglalagay ng komunidad ng YouTube sa panganib sa pamamagitan ng patuloy na pag-uudyok ng panganib sa pagitan ng mga creator para sa personal na kapakinabangan sa pananalapi.

Mga Halimbawa

Narito ang ilang halimbawa ng content na hindi pinapayagan sa YouTube:

  • Paulit-ulit na pagpapakita ng mga larawan ng isang tao at pagkatapos ay paggawa ng mga pahayag tulad ng “Tingnan ninyo ang mga ngipin ng nilalang na ito, nakakadiri!”, na may katulad na komentaryong nagta-target ng mga likas na katangian sa buong video.
  • Pag-target ng indibidwal batay sa pagiging miyembro niya sa isang protektadong grupo, gaya ng sa pamamagitan ng pagsasabi ng: “Tingnan ninyo ang [panunuyang nagta-target ng protektadong grupo] na ito.”
  • Pag-target ng indibidwal at pagpapahayag na nakikibahagi siya sa human trafficking sa konteksto ng mapaminsalang conspiracy theory kung saan nauugnay ang conspiracy sa mga direktang banta o karahasan.
  • Paggamit ng matinding pang-iinsulto para alisan ng mga katangiang pantao o makatao ang isang indibidwal batay sa kanyang mga likas na katangian. Halimbawa: “Tingnan ninyo ang malanding babaeng ito! Ni hindi nga siya tao — mutant o hayop siya!”
  • Pag-target sa isang indibidwal at pagpapahayag ng kagustuhang mamatay siya o mapinsala siya nang matindi: “Nasusuklam talaga ako sa kanya. Sana masagasaan siya ng truck at mamatay siya.”
  • Pagpapakita ng nakikilalang indibidwal na pinapatay o lubos na napinsala. Halimbawa: May kasamang clip na mula sa isang pelikula ang isang video, kung saan brutal na nabaril at napatay ang isang tauhan. Na-edit ang video para larawan ng isang totoong indibidwal ang nasa puwesto ng aktor.
  • Pagbabanta sa pisikal na kaligtasan ng isang tao. Kabilang dito ang mga tahasang pagbabanta tulad ng, “Kapag nakita kita sa Sabado, papatayin kita.” Kabilang din dito ang pagpapahiwatig ng karahasan sa pamamagitan ng pagpapahayag tulad ng, “Dapat mag-ingat ka, pupuntahan kita” habang nagwawasiwas ng sandata.
  • Pagpo-post ng hindi pampublikong impormasyong nagbibigay ng personal na pagkakakilanlan ng isang indibidwal, tulad ng numero ng telepono, address ng tahanan, o email address, para magdirekta ng mapang-abusong atensyon o trapiko sa kanya. Halimbawa, pagsasabi ng, “Nakuha ko ang numero ng telepono niya. Tumawag at mag-iwan ng mga mensahe hanggang sa sumagot siya!”
  • “Raiding” o pagdirekta ng nakakapinsalang pang-aabuso sa mga nakikilalang indibidwal sa pamamagitan ng in-game na voice chat o mga mensahe habang nagsi-stream.
  • Pagdirekta sa mga user na mag-iwan ng mga mapang-abusong komento sa seksyon ng komento ng isa pang creator.
  • Pagli-link sa mga site sa labas ng platform na nagho-host o nagtatampok ng koleksyon ng di-konsensuwal at intimate na imahe.
  • Pag-request na makipag-ugnayan ang iba pang user para magbahagi ng koleksyon ng di-konsensuwal at intimate na imahe.
  • “Swatting” o iba pang prank na tawag sa mga serbisyo ng pagtugon sa emergency o krisis, o paghikayat sa mga manonood na makisangkot sa ganitong gawi o sa anupamang panliligalig.
  • Panay na palihim na pagsubaybay o pagtatangkang mang-blackmail ng mga user.
  • Content ng video game na na-develop o binago (“na-mod”) para mag-promote ng karahasan laban sa isang indibidwal.

Tandaan, hindi kumpleto ang listahang ito. Huwag mag-post ng content kung sa tingin mo ay posibleng lumabag ito sa patakarang ito.

Ano ang mangyayari kung lumalabag sa patakarang ito ang content

Kung lumalabag sa patakarang ito ang iyong content, aalisin namin ang content at papadalhan ka namin ng email para ipaalam ito sa iyo. Kung hindi namin mave-verify na ligtas ang link na na-post mo, puwede naming alisin ang link. Tandaan na ang mga lumalabag na URL na na-post sa loob mismo ng video o sa metadata ng video ay posibleng magresulta sa pag-aalis ng video.

Kung ito ang iyong unang paglabag sa aming Mga Alituntunin ng Komunidad, malamang na makakatanggap ka ng babala nang walang penalty sa channel mo. Magkakaroon ka ng pagkakataong sumailalim sa isang pagsasanay sa patakaran para hayaang mag-expire ang babala pagkalipas ng 90 araw. Gayunpaman, kung malalabag ang parehong patakaran sa loob ng 90 araw na palugit na iyon, hindi mag-e-expire ang babala at bibigyan ng strike ang iyong channel. Kung lalabag ka sa ibang patakaran pagkatapos mong makumpleto ang pagsasanay, makakatanggap ka ng isa pang babala.

Kung makakakuha ka ng 3 strike sa loob ng 90 araw, wawakasan ang iyong channel. Matuto pa tungkol sa aming system ng mga strike.

Puwede naming wakasan ang iyong channel o account dahil sa mga paulit-ulit na paglabag sa Mga Alituntunin ng Komunidad o Mga Tuntunin ng Serbisyo. Puwede rin naming wakasan ang iyong channel o account pagkatapos ng isang matinding pang-aabuso, o kapag nakalaan ang channel sa isang paglabag sa patakaran. Puwede naming pigilang sumailalim sa mga pagsasanay sa patakaran sa hinaharap ang mga paulit-ulit na lumalabag. Matuto pa tungkol sa mga pagwawakas ng channel o account.

Nakatulong ba ito?

Paano namin mapapaganda ito?
Search
I-clear ang paghahanap
Isara ang paghahanap
Pangunahing menu
13260848388245201519
true
Maghanap sa Help Center
true
true
true
true
true
59
false
false